Ang Alamat ng Bayabas

| February 15, 2009 | 2 Comments

The Legend of Guava fruit

 

bayabas

 

Noong unang panahon, may isang Sultan na lubos na kinatatakutan ng lahat.  Sobra sa lupit ang nabanggit na pinuno na tinatawag sa pangalang Sultan Barabas.

 

Marami na siyang pinapatay.  Hindi na rin mabilang ang pinakulong niya sa piitan.  Lagi at lagging nangangamba ang mga tao na sa maliliit na pagkukulang ay napakalaking parusa ang ipataw sa kanila.  Matanda man o bata ay takot na takot kapag nababanggit ang pangalang Sultan Barabas.  Para sa nakararami, ang Barabas ay kasingkahulugan ng kawalan ng katarungan.

Hindi lamang malupit si Sultan Barabas.  May kayabangan at mapagmataas din siya.  Gusto niyang yumuyuko ang mga tao kapag ipinatatawag niya.

Ito ang dahilan kung bakit laging nakasubsob ang korona niya sa makinang na korona.  Lagi niyang suot ang kanyang korona saan man siya magpunta.  Kahit sa pagtulog ay mahigpit niyang yakap-yakap ang korona na lalong nagpapayabang sa katauhan niya.

Si Sultan Barabas ay nangunguna rin sa kasakiman.  Ang malawak na hardin niya na pinamumugaran ng iba’t ibang prutas at hindi siya nagpapapasok ng kung sino-sino.  Gugustuhin pa niyang mabulok ang mga makopa, mangga, at chesa na bunga ng mga puno kaysa sa sinumang maralitang kumamkalam na ang tiyan.

Ang kawalan ng katarungan ni Sultan Barabas ay minsan na namang napatunayan.  Ayaw na ayaw ng Sultan na gabi na ay nasa lansangan pa ang sinuman sa kanyang mga nasasakupan. Isang maningisda noon ang minalas ng abutan siya ng hatinggabi sa panghuhuli ng isda.  Sapagkat walang awa sa kapwa, pinadakip ni Sultan Barabas ang maningisda, at pagkatapos ay patawarik na niloblob ito sa tubig, at ipinakulong pa niya ang pobre.

Nakarating sa asawa ng mangingisda na isang magdadaing ang balitang pagpaparusa at pagpapakulong.  Dali dali itong nagpunta.  Kahit alam niyang natutulog pa ang Sultan ay pinuntahan niya at kinatok ang tirahan ng pinuno.

Galit na Galit na nagising ang Sultan.  Itinanong ng mayabang na pinuno kung sino siya.  Sinabi ng kumakatok na magdadaing na siya ang aswa ng mangingisda at naroon siya upang ipakiusap na pakawalan na ang ikinulong.  Nagkibit balikat lang ang sultan.  Nang malaman ng Sultan na ekspertong magdadaing ang nagmamakaawa ay nakaisip ng paraan ang tuso. Lalo itong naggalit-galitan.  Ipinatawag niya ang mga kawal at ipinakagat sa mga langgam ang kaawa-awang magdadaing bago ito ipinakulong sa piitan.  Kahit nakakulong ay natutuwa ang mag-asawa sapagkat sila ay muling nagkita.  Upang maging produktibong alipin ng Sultan, ang bawat isdang mahuhuli ng mangingisda ay pinasusukaan agad sa magdadaing.

Bagamat maligaya ang mag-asawa na kahit mga alipin ay magkasama, sumasagi rin sa kanila ang kalungkutan kapag naaalala nila ang tagging anak na naiwan sa kailang tahanan.

Hindi alam ng mag-asawa na habang wala sila sa tirahan may mga ada na nagbabantay sa kaisa-isa nilang mahal sa buhay na kahit totoy na totoy pa sa kamusmusan ay marunong na ring manindigan.

"Saan po ba naroon ang tatay at nanay ko?"

"Nasa kaharian sila ni Sultan Barabas.  Pinaparusahan sila at ipinakulong sa mga kasalang hindi nila dapat pagdusahan."

"Tulungan po ninyo ako.  Gusto ko po sila makawala sa kulungan."

Nang makita ng ada na lumuluha ang kaisa -isang anak ng mangingisda at magdadaing ay naawa sila.  Nang gabi ring iyon ay inilawan nila ang daan ng inosenteng bata papunta sa kaharian.

Ang mahimbing na pagtulog ng Sultan ay lubhang nagambala ng malakas na katok ng bata sa pintuan ng kaharian.

"Sino ka at ganitong oras ng gabi ay kumakatok ka sa palasyo ko?"

"Gutom na gutom na ako.  Hihingi ako ng pagkain sa mesang kainan mo."

"At bakit sa akin ka hihingi ng pagkain mo?" nagaalborotong tanong ng Sultan.

"Pinasisid mo sa dagat ang ama kong mangingisda.  Ang ina ko naman ay pinagdadaing mo.  Sila ang dahilan kaya marangyang-marangya ang iyong mesang kainan."

"Lintik na bata ka!" nanginginig sa galit na sigaw ng Sultan."  Ano ang karapatan mong himingi ng anuman sa aking mesa?"

"Hindi ikaw ang nagpagod upang mangisda at magdaing.  Mga magulang ko ang iyong inalipin.  Sa anumang kanilang itinanim, sila lang ang dapat na may anihin.?"

"Aba napakaliit mong bata ka, akala mo kung sino ka.  Hindi mo ba alam na Sultan akong dapat mong igalang?" nangangatog ang baba sa pagsigaw ang gahaman.

Napansin ng bata ang makinang na koronang naiwan ng Sultan sa higaan.  Tinakbo niya ito at isinuot at nag-iinsultong nagwika, " Ang korona ay ipinapatong lang sa ulo ng pinuno na mabuti sa tao.  Masama ka ipinakulong mo ang ama at ina ko.  Ngayon ako naman ang habulin mo at ipakulong mo, "nangiinis na nagtatakbo sa loob ng palasyo ang bata.

Sa sobrang galit ng Sultan ay hinabol niya ng hinabol ang musmos. Hindi maabutan ang inosenteng bata sapagkat inililipad ito ng mga ada.  Nakarating ang habulan sa malawak na harding kinatataniman ng maraming punongkahoy.  Sa sobrang pagod ay sumakit ang dibdib ng Sultan na ikinatumaba niya.  Noon din ay namatay ang Sultang walang pagpapahalaga sa tunay na kahulugan ng katarungan.

Sa lugar na kinatumbahan inilibing ang Sultan.

Ang kamatayan ng ganid na dapat sana’y ipinagluksa ay ikinatuwa pa ng marami.

Ang humaliling Sultan ay kakaiba sa namatay.  Tinitimbang niyang mabuti ang bawat paratang sa sinumang nagkakasala.  Hindi rin siya padalos-dalos sa pagpapataw ng parusa.  Sinisikap niyang magbigay ng isang makatarungang pagpapasya sa kaso ng sinumang nasasakupan niya mahirap man o mayaman.  Para sa kanya ang lahat ay pantay-pantay sa napipiringang katarungan.

Sapagkat totoong makatarunagan, pinalaya at tinulungan ng bagong Sultang makapamuhay nang matiwasay ang mangingisda at magdadaing.  Binigyan niya ng karapatan ang inosenteng bata na malayang makapupunta sa hardin upang mamitas ng anumang prutas na kanyang piliin.  Ipinagdiwang ng lahat ang panunungkulan ng makatarungang Sultan.

Isang araw na naglilibot ng hardin ng palasyo ang bagong Sultan ay nakatawag ng pansin niya ang isang halamang tumubo sa pinaglibingan kay Barabas.  Pinadiligan niya ito sa mga hardinero at pinaalagaan araw-araw.

Ilang taon din ang nakaraan at nagging malaking puno ang halaman.  Nagtataka ang Sultan nang mamunga ang puno sapagkat mukha itong ulo ng tao na may korona sa tuktok.

"Si Barabas yan!"sigaw ng mga tao.  Nang tikman nila ang bunga ay nagulat sila.

"Pagkapait-pait! Kasimpait ng ugali ni Barabas!"

Ilang araw lang ng lumipas ay lumaki ang mga bunga ng berdeng prutas.  Nang kagatin ng bata ay napangiwi sila.

"Pagkaasi-asim! Kasing asim ng mukha ni Barabas!"

Hindi nagtagal, ang mga berdeng bunga ay dumilaw at huminog na Napangiti ang lahat ng pitasin ang bunga at kagatin.

"Pagkatamis-tamis! Pagkasarap-sarap ng Barabas!"

Magmula noon, tinawag na bayabas ang  berdeng prutas na may nakapatong na korona.  Minsang nanungkit ng berdeng prutas ang ilang paslit na bata at tanungin ng mga nakatatanda kung ano ang tawag sa nabanggit na bunga ay sabay-sabay silang nagsisagot na, "Barabas, Barabas, Bayabas!"

Diyan nagsimula ang alamat ng Bayabas.

Tags: , , , ,

Category: Mga Alamat

About the Author (Author Profile)

Comments (2)

Trackback URL | Comments RSS Feed

  1. danica g.boctot says:

    sana mga tama ang mga sinusulat ninyo d2 kac marami pang mag reresearch na iba na walang alam JOKE :) (:

  2. danica g.boctot says:

    AT SANA MAG KAGUSTO NA SA AKIN YUNG CRASH KO NA C ANGELO RIVERA MALONZO:) :) :) :) :)

Leave a Reply