Ang Alamat ng Kamatsile
By Lhenn on Feb 17, 2009 with Comments 0
Sa isang gubat, may tumubong puno ng kamatsile na may malaganap na mga sanga. Sa tabi nito’y may nagsitubong iba’t ibang mga punong may magagada’t mababangong bulaklak na nakakahalina sa mga naglalakbay. Ang kamatsile lamang ang walang maipagmalaking bulaklak, nguni’t maganda naman ang pagkakahubog ng kanyang malalago at malalabay na mga sanga. Subali’t di man ito makatawag-pansin sa mga manlalakbay at di man siya tapunan ng bahagyang tanaw at ito ang ipinagmimighating malabis ng abang puno ng kamatsile.
Isang araw, malakas na daing ng kamatsile ang kanyang hinanakit. "Naku! Ang lungkot naman ng buhay kong ito. Kung ako ba ay may bulaklakna katulad sa mga punong katabi ko, sana’y makagagayuma rin ako sa mga taong nagdaraan dito."
Ang ganyan niyang himutok ay umabot sa pagdinig ng cadena de amor na gumagapang sa kanyang paanan. Sinagot ang daing ng kamatsile. "Madaling lutasin iyan, kung nais mong magkaroon ng bulaklak na kaakit-akit ay tulutanmong ako’y mangunyapit sa iyong mga sanga."
Sumangayon naman ang kamatsile sa mungkahing ito ng cadena de amor. Di naglipat araw at ang dating nag-iisang puno ng kamatsile ay nag-uumugong sa mga bubuyog na sa kanya’y laging nag-kukumpol-kumpol. Ang mga tao naman ay di siya iniiwan ng tingin.
Nguni’t pagkalipas ng ilang linggo ay di na makatagal sa sukal na sa kanyang sanga ay nakabalot. Kaya’t hindi makatiis ang kamatsila na di magpahayag ng kanyang dinaramdam sa cadena de amor. "Oo ngat ako’y hinahangaan ng maraming tao, di ko naman malanghap ngayon ang mabangong simoy ng hangin, di ko man lamang masilayan ang mga baging na iyong ibinalabal sa akin.
"Subali’t ano mang pagsusumamo ng abang puno ng kamatsile ay nawalan ng saysay sa lubos na nasisiyahang cadena de amor. Nguni’t sa malaking habag ng Maykapal ay pinagkalooban din siya ng pananggalang sa cadena de amor. Ang tinik na magpahanggang sa ngayon ay nagmamalasakit sa kanya.
Related Posts
Related posts:
Filed Under: Mga Alamat