Ang Alamat ng Saging

| January 30, 2009 | 4 Comments

The Legend of Banana

Banana

Sa nayon ng matimbong ay may mag-anak na tahimik na namumuhay.  Ang lalaki’y si Mang Bino at ang babae ay si Aling Pacita.  Si Tina naman ang kaisa-isa nilang anak.  Lumaking maganda si Tina kaya’t maraming siyang mangingibig.  Matayog ang pangarap ng kanyang mga magulang para sa kanya.  Kapag ang pumapanhik ng ligaw kay Tina ay mahirap na binata, pinapakitaan ng masamang mukha ng mag-asawa ang binata.  Malimit pang pagparunggitan ang mga maralitang mangingibig na saying lamang ang taglay na kagandahan ng kanilang anak kung ang magiging kapalaran nito ay isa lamang maralitang isang kahig isang tuka.

Si Rading, kabilang sa mga naakit kay Tina.  Makisig siya, may magandang asal.  Mabait.  Si Rading ay isa lamang maralitang magsasaka kaya’t sa kabila ng mga katangian ng binata ay tutol na tutol sa kanya ang mga magulang ng dalaga.  Sa kabila ng pamimintas sa binata ng mga magulang niya ay tingggap pa rin ni Tina ang pag-ibig ni Rading.

Nagsumpaan sila na walang magtataksil at tanging kamatayan lamang ang maaaring humadlang sa kanilang pag-iibigan.  Lihim ang kanilang pagsusuyuan sa pangambang makarating ito sa mga magulang  ng dalaga.

Ang kagandahan ni Tina ay nakaabot sa pandinig ni Don Bruno.  Siya’y naninirahan sa kabayanan.  Nagpasiya syang sadyain ang tahanan ng dalaga.  Lulan ng magarang kotse ay nagtungo sa Matimbong ang mayamang biyudo.  Sa pamamagitan ng pagtatanong ay natunton niya ang tahanan ng dalaga.  Nakipagkilala siya sa mag-anak at gayon na lamang ang pag-istima ng mag-asawa kay Don Bruno.  Naging madalas ang pagdalaw ng Don at nagtapat ng pag-ibig sa dalaga.  Tinganggihan ito ni Tina.  Naging mapilit ang Don kaya’t napilitan ang dalaga na talampakin ito na wala siyang pag-ibig at ang puso niya’y nakasanla na sa iba.  Ayaw maniwala ni Don Bruno sapagkat wala raw naman siyang nakikitang pumapanhik ng ligaw sa dalaga dahil sa napakahigpit ang mgaa magulang ng dalaga.  Sinabi rin niyang hindi siya titigil ng panunuyo sa dalaga maliban kung mapapatunayan niyang may katipan na nga ang dalaga.  Nangako pa syang hindi na nya ito gagambalain at kung ipagtatapat ng dalaga kung sino ang kanyang katipan ay hindi niya sasabihin kahit kanino.

Sa kagustuhan ni Tina na tumigil na sa panliligaw ang Don ay ipinagtapat niya na si Rading ay kasintahan niya.  Hindi nagpahalata ng sama ng loo bang biyudo ngunit may lihim siyang binabalak upang mapasakanya ang dalaga.

 

Isang araw na umalis si Tina at sumama sa mga kaibigan sa pamimili sa kabayanan ay kinausap ng Don ang mga magulang ni Tina.  Ipinagtapat niya sa mga ito ang tungkol kina Tina at Rading.  Gayon na lamang ang galit ni Mang Bino ngunit sinikap ni Don Bruno na mapalubag ang kalooban ng ama ni Tina.  Iminungkahi niya na kung papaya gang mag-asawa ay ibig niyang makasal sila ni Tina sa lalong madaling panahon.  Palibhasa’y mayaman ang biyudo ay walang tutol ang mga magulang ng dalaga.  Napagkasunduan nilang idaraos ang kasal nang madalian.

 

Simula noon ay lalong hinigpitan ng mga magulang ang dalaga.  Hindi na siya pinapapanaog ng bahay nang walang kasama.  Palagi niyang kasama sa anumang pupuntahan ang kanyang ina.  Ang lihim na pagkikita nina Rading at Tina ay naputol.  Hindi malaman ng binata ang gagawin upang makausap ang kasintahan.  Malimit na aali-aligid siya sa tahanan ng mag-anak upang masilayan man lamang ang minamahal.  Lagi siyang umuuwing bigo.

Isang tanghali ay nakita ni Rading na nag-iisang nanaog ng bahay si Aling Pacita.  Dati-rati’y kasama ng ina ang dalaga tuwing siya’y aalis ng bahay.  Hindi niya iniiwang mag-isa sa bahay ang anak sa pangambang magtungo roon ang kasintahan nito at magkausap ang dalawa.    Nang tanghaling iyon ay hindi napilit ng ina ang dalaga na sumama sa bukid na maghatid ng pagkain kay Mang Bino.  Dumaing ang dalaga na masakit na masakit ang ulo at ng damhin ng ina ang noon g anak ay mainit at tila may sinat ang dalaga.

 

Pagkaalis ni Aling Pacita ay dali-daling pinuntahan ni Rading ang tahanan ng mag-anak at nagpatao-po.  Nang maulinigan ng Tina ang tinig ng kasintahan ay pinilit niyang makabangon kahit na masama ang kanyang pakiramdam.  Pinatuloy ng dalaga ang katipan at magkaharap silang nakaupo sa dalawang silya sa tabi ng bintana.

 

Sabik na nagkamustahan ang magkasintahang matagal ding hindi nagkita,  hinsi matapus-tapos ang pagbabalitaan ng dalawa.  Libang na libang sila sa pag-uusap at hindi nila pansin ang kapaligiran.  Hindi nila namalayan ang pagdating na humahangos na si Mang Bino kasunod ang asawa.  May nakapagbalita pala sa mag-asawa na naroon sa kanila si Rading kaya napasugod sila ng uwi.  Galit nag alit si Mang Bino nang matanaw nya sa bintana ang magkasintahan.  Hawak niya ang matalim na gulok at sinugod niya ang binata, tinaga nya ang kamay ng binata na nagkataong nakalawit sa bintana.  Naputol ang kamay ng binata at bumagsak sa lupa.  Napatili si Tina at nawalan ng malay nang Makita ang pangyayari.  Sapo ang duguang bisig ay tumatakbong pauwi si Rading.  Kaagad isinugod sa kabayanan si Rading upang ipagamot, ngunit sa daan pa lamang ay nalagutan na ito ng hininga dahil sa dami ng dugong natapon.  Lubhang malayo ang kabayanan sa nayon ng Matimbong.

Nang magkamalay si Tina ay nasa loob na siya ng kaniyang silid.  Nasa tabi niya ang kanyang ina.  Itinanong niya sa ina si Rading at ang kanyang ama.  Napahagulgol siya ng malamang hindi umabot sa pagamutan ang kasintahan niya at dinakip naman ang kanyang ama ng mga maykapangyarihan.  Nagpumilit siyang bumangon at di sya napigil ng ina.  Tinungo niya ang lugar na kinabagsakan ng kamay ni Rading at buong pagmamahal na niyakap ang putol na kamay.

Ibinaon niya ang kamay sa kanyang halamanan at sa umaga’t hapon sa araw-araw ay hinahaplos niya nang buong pagmamahal ang lupang nakatabon sa kamay ng kasintahan habang lumuluhang sinasambit ang “Rading, Rading”.  Hindi nagtagal ay may tumubong halaman sa pook na iyon at nang mamunga ay katulad na katulad ng mga daliri ng kamay ni Rading.  Kumalat ang balita sa buong nayon at nagging paksa ng usapan ang kamay ni Rading.  Tinawag ng mga tao ang bunga ng naturang halaman na kamay ni Rading na nang lumaon ay tinawag na saging.

Tags: , , ,

Category: Mga Alamat

About the Author (Author Profile)

Comments (4)

Trackback URL | Comments RSS Feed

  1. ira says:

    ang ganda talaga ng alamat.

  2. raheal says:

    bqt kaya halos lhat ng alamat laging ending ay may naiibang pangalan na pinagsisimulan noong binabanggit?

  3. jieshel balanate says:

    pwede mag bigay ng mga larawn kung ano nag nasa alamat, pwede magbigay ng maramai…
    kasi eto ang takdang aralin namin!!!!!

Leave a Reply