Tula: Ang Awit ni Maria Clara
Walang kasintamis ang mga sandali sa sariling bayan,
Doon sa ang lahat ay pinagpapala ng halik ng araw,
May buhay na dulot ang mahinhing simoy na galing sa parang.
Pagsinta’y matimyas, at napakatamis ng kamatayan man.
Maapoy na halik, ang idinarampi ng labi ng ina
Paggising ng sanggol sa kanyang kandungan na walang balisa,
Pagkawit sa leeg ng bisig na sabik pa-uumaga na,
Matang manininging ay nangakangiti’t pupos ng ligaya.
Mamatay ay langit kung dahil sa ating lupang tinubuan,
Doon sa ang lahat ay pinagpapala ng halik ng araw,
Ang mahinhing simoy na galing sa bukid ay lubhang mapanglaw
Sa wala nang ina, wala nang tahana’t walang nagmamahal
Kundiman
Tunay ngayong umid yaring dila’t puso
Sinta’y umiilag, tuwa’y lumalayo,
Bayan palibhasa’y lupig at sumuko
Sa kapabayaan ng nagturong puno.
Datapuwa’t muling sisikat ang araw,
Pilit maliligtas ang inaping bayan,
Magbabalik mandin at muling iiral
Ang ngalang Tagalog sa sandaigdigan.
Ibubuhos namin ang dugo’t babaha
Matubos nga lamang ang sa amang lupa
Habang di ninilang panahong tadhana,
Sinta’y tatahimik, iidlip ang nasa.
Tula ni Dr. Jose Rizal
Category: Mga TULA


Recent Comments