Tula: Mabuhay ka lamang
By Lhenn on Feb 02, 2010 with Comments 0
Marahang itindig ang katawang laing
At iyong pagmasdan
Ang ganda ng bagong araw na dumating;
Masaklap na gabing
Nagsabog ng lupit sa buhay mong angkin,
Iyo nang limuti’t
Ganap nang naparam ang palalong dilim;
Ngiting sa lahi mo’y
Nasindak sumilay nang nagdaang lagim,
Panungawin ngayo’t
Bayaang magduyan sa duyan ng aliw!
Sugat ng puso mong
Ginahi ng sundang ng dayong lumupig,
Iyong pagilumin
Sa suob ng tuwang sagana sa init;
Dibdib mong nagbata
Nang mariing hampas ng bakal na bisig.
Bayang lumasap
Ng masuyong hagod ng bagong silahis;
Saka ang mata mong
Namugto sa luhang dumaloy na labis,
Pahirin na ngayon
Ng birang na sutla ng tuwang bumihis!
Sa nagdaang gabing
Natigmak sa dugo’t sa luha’y lumutang,
Natakal nang lubos
Ang taglay mong giting at kabayanihan;
Nakilala nilang
Kahit ka mahina’y mapalad na bayan;
Isang bayang munting
Habang inaaba’y lalong tumatapang;
May mga anak kang
Sa taglay na puri’t angking karangalan,
Hindi magagapi’t
Mamatay ay langit, mabuhay ka lamang!
Related posts:
Filed Under: Mga TULA
About the Author: