Tula: Magkaibang Landas
Maghapon na ngayong ako’y nakaharap
Sa nais tahaking magkaibang landas;
Bantulot ang loob at hindi matiyak
Na kung saan ako dapat na maglakad.
Sa gawing kanan ko ay daang mapanglaw,
Makipot, sukol sa kawalang-hanggan;
Sa dakong kaliwa’y landas na maluwang,
Ang simula’t wakas ay iba ang saklaw.
Minsan ay naganyak na maglakas-loob
Sa daang makitid ako ay nag-inot;
Ngunit sa iilang hakbang kong sumunod
Ang nasalubong ko’y nanunuring kurus!
Taglaya ang pangamba na di nakatiis…
At ako’y umurong upang makabalik…
(talagang ang isang lagusang masikip
ang mahinang puso’y mahirap tumawid!)
Nang aking subukin ang dakong kaliwa
Ang pagtahak dito’y maginhawang lubha;
Ngunit nang sa dulo’y masapit ang sadya,
Naburol sa galak ang aking adhika.
Sa guniguni ko ay nabuksan ngayon
Ang dalawang landas na matatalunton;
Ang una ay sinag na sa langit sukol,
Ang huli’y lunduyan ng pagkaparool!
Bantulot ang loob – matabang sa loob
Makipot at sukol – abot sa hangganan
Iba ang saklaw – lawak
Nanunuring kurus – nanunumbat
Lagusang masikip – daanan
Naburol sa galak – pumanaw
Landas na matatalunton – matatahak
Lunduyan ng pagkaparool – pagkasawi
Category: Mga TULA


Recent Comments