Ang Makabagong Pagkakahati-hati ng mga lahi

| July 16, 2009 | 0 Comments

            Sa pagdami ng mga nalalaman ng tao, hindi na siya nakontento sa tatatlong uri lamang ng mga lahi.  Bumuo siya ng siyam na uri ng lahi para sa siyam na pangkat ng tao sa mundo. 

Ang mga ito ay ang sumusunod: Aprikano, Amerikanong Indian, Indian, Asyano, Australiano, Europeo, Melanesian, Micronesian, at Polynesian.  Ang mga Aprikano ay yaong matatagpuan sa Aprika, at yaong mga itim na nakatira sa Hilagang Amerika at Timog Amerika.  Ang mga Amerikanong Indian, matapos silang itaboy mula sa kanilang tahanan sa Amerika ng mga dumayo noong mga Europeo, ay matatagpuan na lamang ngayon sa Kanlurang bahagi ng Hilagang Amerika at sa Timog Amerika.

            Ang mga Indian naman ay yaong mga taga-India (na mayroong maputi at mayroong maitim na balat), taga Pakistan, at taga Bangladesh.

            Ang mga Asyano ay binubuo ng mga Intsik, Hapones, Koreano, Pilipino, Vietnamese, Malaysian, Indonesian, Kampuchean, Singaporean, at iba pang mga taong matatagpuan sa Silangang Asya at Timog-Silangang Asya.  Ang mga Australiano ay yaong mga nakatira sa Australia, kasama na ang mga katutubo o aborigine.

            Ang mga Europeo ay binubuo ng mapuputing tao mula sa Europa, Timog-kanlurang Asya, Australia, New Zealand, Hilagang Amerika, Timog Amerika, at Timog Aprika.

            Ang mga Melanesian, Micronesian at Polynesian ay yaong mga naninirahan sa Karagatang Pasipiko.

Tags: ,

Category: Ang mga kontinente ng Mundo at Ang mga Lahi ng Tao

About the Author (Author Profile)

Leave a Reply