Walang malinaw na paliwanag ang Pangaea
Hindi kaagad tinaggap ng mga kapwa niya siyentipiko at maging ng publiko ang teorya ni Wegener sapagkat wala siyang maibgay na malinaw na paliwanag kung paano unang nabasag ang Pangaea at naanod palayo sa isa’t isa ang mga kontinente. Noong 1930, sa isang ekspedisyon sa Greenland, namatay si Wegener nang wala pa ring linaw kung maaaring panindigan o hindi ang kanyang teorya.
Si A. L. du toit, isang propesor sa Unibersidad ng Johannesburg, na katig sa ideya ni Wegener, ang nagpaliwanag na ang pag-angat ng magma o tunaw na bato mula sa pusod ng mundo ang siyang nagtulak sa mga kontinente upang gumalaw at maghiwa-hiwalay. Bagama’t maganda ang paliwanag ni du Toit, ito ay nanatiling paliwanag at wala siyang naibigay na katibayan na maaring gawng sandigan ng kanyang teorya.
Nakalimutan ng mga tao ang teorya tungkol sa paggalaw ng mga kontinente hanggang noong mga 1950, nang muli itong maungkat kaugnay ng mga pag-aaral tungkol sa magnetismo ng mga bato sa ilalim ng lupa na isinasagawa ng mga siyentipikong kapwa taga-Inglatera, sina Patrick Maynard Stuart Blackett at Stanley Keith Runcorn. Lumalabas sa pananaliksik ni Runcorn na dating magkadikit ang Europa at Hilagang Amerika bago nagkaroon ng dagat sa pagitan ng mga ito.
Bukod pa rito, isang ekspedisyon sa Antartika ang nakatagpo sa lugar na ito ng malaking deposito ng karbon. Ang karbon ay nanggagaling sa mga namatay nang halaman at tulad ng alam natin, ang Antartika ay nasa Polo Sur o South Pole. Dahil sa kinaroroonan nito, napakakapal ng yelo sa Antartika sa kasalukuyan at walang nabubuhay na halaman doon. Subalit kung may natagpuang karbon doon, ang ibig sabihin ay may dating nabuhay na mga halaman doon, at kung ilalagay sa dati niyang kinaroroonan ang Antartika batay sa teorya ni Wegener, ay saka lamang magkakaroon ng kasiya-siyang paliwanag kung bakit may nabuhay na halaman noon doon at wala sa kasalukuyan.
Nakatulong din sa teorya ni Wegener ang mga pag-aaral na ginawa ng heologong taga-Scotland na si Arthur Holmes. Ang paliwanag ni Holmes, na tinawag niyang thermal convection, ay kahawig ng naunang paliwanag ni du Toit. Ayon kay Holmes, ang paggalaw ng mga kontinente ay naganap bunga ng malakas na alon o daloy papaitaas ng mga lusaw na bagay sa ilalim o pusod ng lupa. Ang daloy na ito ay diretsong nasa ilalim ng Pangaea at nang magsanga ang malakas na puwersang ito, nahatak sa magkabilang direksyon ang Pangaea at nabiyak. Ang mga piraso nito ay sumabay sa agos kung kaya’t naghiwa-hiwalay.
Bagama’t marami nang nagtangka, wala pa ring matibay na ebidensya na tinatanggap ng lahat na makapagpapaliwanag kung anong napakalakas na puwersa ang maaaring nagpagalaw nga sa mga kontinente . subalit gaano man katatag ang mga ayaw tumanggap sa teorya ni Wegener, ganoon din naman kasigasig ang mga naniniwala ditto sa paghahanap ng katibayang magagawang paniwalaan ng lahat.
Anila pa, lahatng mga kontinente ay gumagalaw na patungong hilaga mula nang magsimula ang buhay sa mundo. Ang paggalaw na ito ay tinatayang may bilis na mga 20 hanggang 90 kilometro sa bawat isang milyong taon. Sa nakalipas na 300 milyong taon, ang Europa at Hilagang Amerika ay sabay na naanod patungong hilaga at umikot sa magkaibang direksyon. Ang India ang sinasabing pinakamalayo ang narating sa paggalaw nito.
Dagdag pa ng mga sumunod kay Wegener, sa patuloy na paggalaw ng mga kontinente, pagkaraan pa ng isang milyong taon ay mag-iiba na naman ang hitsura ng ating mga mapa. Mayroon pang prediksyon na ang patuloy na pag-usad ng Australia patungong hilaga ay magbubunga ng pagbabanggaan nila ng Asya sa hinaharap.
Category: Ang mga kontinente ng Mundo at Ang mga Lahi ng Tao


Recent Comments