Ang Lipunan at Ang Pagbagsak ng Athens

| October 10, 2009 | 1 Comment

Ang Lipunan ng Athens

  • Unti-unti ang naging pag unlad ng demokrasya sa Athens. Sa ilalim ni Solon, isang mambabatas na mayaman, nabigyan ng karapatan ang mga dukha na bumoto at ng proteksyon laban sa pagkaalipin. Subalit pinanatili niya ang karapatang mamuno sa kamay lamang ng mayayamang tulad niya.

  • Sa ilalim ni Cleisthenes, nagkaroon ng asambleang binubuo ng lahat ng lalaking may sapat na edad. Mula sa asambleang ito binuo ang konseho ng limandaan na siyang gumawa at nagpatupad ng mga batas. Ang asemblea rin ang pumipili taun-taon ng 10 heneral na siya naming pipili kung sinong magiging tagapangulo ng bansa.
  • Si Pericles ay 16 na taong sunud-sunod na napiling pinuno ng Athens sa ganitong paraan.
  • May korte subalit walang hukom at mga abugado sa Athens noon. Ang taong may kaso ang siyang nagsasalita para sa kanyang sarili at ang mga kasapi ng korte, na ginawang 500 upang maging mahirap daw suhulan, ay nakikinig, nagpapasiya, at naggagawad ng hatol. Muli sa sistemang ito, nakalalamang yaong magagaling magsalita.
  • Ang hindi lamang kasali sa mga desisyon ng pamahalaan sa Athens ay ang mga babae, bata, alipin, at mga banyaga. Ang mga babae ay walang gaanong karapatan sa buhay sapagkat mababa ang tingin sa kanila ng mga lalaki.
  • Sa isang pamilya, ang mga anak na lalaki lamang ang pinag-aaral o ikinukuha ng personal na guro upang ihanda siya sa kanyang magiging lugar sa lipunan.
  • Ang mga babae ay karaniwang nagiging mga tindera, tagapagbantay ng maliliit na hotel, o taga habi. Kapag siya ay pinagsawaan at pinalitan ng kanyang asawa, wala siyang hukumang maaring pagsumbungan.
  • Sa Sparta, sa kabilang dako, higit na Malaya ang mga babae. Magagaling din sila sa mga larong pampalakasan tulad ng mga lalaking Spartan. Sila rin ang nagpapatakbo ng kanilang mga bahay dahil sa tuntunin sa Sparta na ang mga lalaki ay kailangang tumira sa mga kampo hanggang wala pa silang 30 taon at hindi pa retirado sa pagsusundalo. Maraming mga lupain sa Sparta ang pag-aari ng mga babaing Spartan.

Ang digmaan laban sa Persia

  • Noong 494 b.k., nagging interesado sa Athens si haring Darius ng imperyong Achaemenid ng Persia. Hindi niya nagustuhan ang pagtulong ng Athens sa pag-aalsa ng ibang mga siyudad-griyego na nasa turkiya laban sa imperyong Achaemenid.
  • Noong mga panahong iyon, hawak na ni Darius ang Mesopotamia, Syria, Egipto, at Asya minor, at upang parusahan ang Athens, binalak niya ring isama ito sa kanyang mga nasasakupan.
  • Sa una nilang paglaban sa marathon noong 490 b.k., nanalo ang Athens. Ilang ulit nagpadala ng hukbong pandagat at panlupa ang imperyong achaemenid subalit hindi nagapi ng mga Persian ang mga Athenian.
  • Noong 480 b.k., winasak ng hukbong-dagat ng Athens ang mga barkong pandigma ng mga Persian na malapit sa isla ng Salamis.
  • Kahit magkaribal sila sa loob ng Gresya, nagtulong ang Athens at Sparta sa paglupig sa mga Persian.
  • Sa Thermopylae noong 480 naganap ang kabayanihan ni haring Leonidas ng Sparta nang harangin niya ang pagsalakay ng mga Persian. Ang magkatulong na puwersa ng mga Spartan (sa lupa) at ng Athenian (sa dagat) ang nagpanalo ng digmaan para sa kanila.
  • Ang panalo nila sa digmaan ang nagpalakas nang husto sa kompiyansa ng Athens. Ilang ulit sinunog ng Achaemenid ang kanilang mga pamayanan subalit paulit-ulit din nila itong itinayo.
  • Sa ilalim ni Pericles, na siyang namuno sa Athens noong panahon ng digmaan at pagkatapos nito, ipinagdiwang ng mga Athenian ang kanilang panalo sa pamamagitan ng pagpapalit ng marmol sa mga sinunog na gusali ng mga Persian. Ang labi ng mga kahanga-hangang gusaling ito ay makikita pa rin hanggang sa kasalukuyan kahit na binasag at dinurog na ng mahabang panahon.
  • Si Pericles, na mayaman at matalino, ang nagsilbibg tanglaw at giya sa pamumuno ng Athens sa Gresya. Ang sumunod na 30 taon, mula 460 hanggang 430 b.k., na itinuring na ginintuang panahon ng gresya, ay tinawag ding panahon ni Pericles. Lalong umunlad at lumakas ang Athens.

 

Pagbagsak ng Athens

  • Ang paglakas at pag-unlad na ito ang siyang naging dahilan upang matakot sa Athens ang Sparta at ang iba pa niyang kasama sa ligang pelopponesian.
  • Hindi naman lahat ng mga siyudad-estado sa gresya ay umunlad nang kasimbilis ng Athens. Yaong iba ay hindi umasenso at napag-iwanan. Dahil dito, hindi naiwasan ang pagkakaroon ng mga inggitan, galit, at takot sa pagitan ng mga siyudad estado.
  • Maging ang bantang pananakop ng mga Persian ay hindi nakasagabal sa paglala ng mga at inggitang ito.
  • Ang pinagsama-samang lakas ng Athens ang pinagsimulan ng digmaan sa Gresya. Sa paglalabang ito, na tinawag na digmaang pelopponesian, hindi lamang ang mga kaliga ng Sparta sa isla ng peloponesus ang naging kakampi niya. Pati ang mga Persian, at maging ang mga Athenian mismo na may galit sa sarili nilang siyudad ay nakipagtulungan upang ibagsak ang Athens.
  • Sa kamalasan naman ng huli, nagsisimula pa lamang ang nabanggit na digmaan ay namatay na ang kanilang magaling na pinunong si Pericles noong 429 b.k.
  • Matapos ang digmaan, pinamunuan ng Sparta ang gresya. Mababagsik na pinuno ang mga Sparta na ikinagalit ng iba pang mga griyego. Bunga nito, noong 371 b.k., isang pangkat ng mga siyudad-estado sa pamumuno ni Thebes ang nagpabagsak sa mga Spartan.
  • Gayunman, ang panunungkulan ni Thebes ay hindi masasabing nakahihigit sa pamumuno ng mga Spartan. Bagkus, lalo pang nanghina ang mga siyudad estado.

next…

Tags: , , , , ,

Category: Ang Simula ng Sibilisasyong Kanluran

About the Author (Author Profile)

Comments (1)

Trackback URL | Comments RSS Feed

Sites That Link to this Post

  1. Ang Mga Siyudad-Estado, Athens at Sparta | Takdang Aralin | October 10, 2009

    Leave a Reply